Monday, April 8, 2013

Ang Aking Kwento



SINO AKO?

Ituring mo na lamang ako na isang bahagi na rin ng iyong pagkatao. Isang kaputol ng iyong paa at kamay, karugtong ng iyong ugat na siyang dinadaluyan ng iyong dugo at mga ideya sa araw-araw. Ituring mo akong taga-sulat ng iyong kwento. Ihambing mo ako sa isang anino na palaging nariyan para sa iyo, hindi man nakikita sa maliwanag na yugto ng iyong sandali ay matatanaw naman sa kadiliman ng iyong pag-iisa. Kasama mo ako sa iyong pagtawa habang kinikiliti ng iyong malikot na isipan, sa pag-iyak sa mga oras na ika'y iniwan, at sa paglakbay sa iba't ibang panig ng mundo sakay ng iyong imahinasyon. Akay kita sa pagtupad ng mga pangarap ng buhay. Ako ang iyong kwento. Ako ang iyong larawan sa likod ng iyong isipan. Ako ang buhay na boses sa mga nais mong isigaw sa salita. Ako ay ang iyong kaibigan. Ako ay ikaw rin.

BAKIT?

Ang paliwanag sa lahat ng bagay ay limitado. Ang pagbibigay ng dahilan sa mga hindi maintindihan ay sinusukat ng tao sa lalim at babaw. Kung ano man ang anggulo na kanilang nakikita ay ang magsisilbing wakas ng bawat istorya. Ngunit, napakalawak ng mundo, napakalalim ng sahig ng karagatan na hindi pa napupuntahan ng tao. Ang istorya ay hindi natatapos sa pagsasabing "And they lived happily ever after." Walang katapusan ang istorya, lalo't ang kwento mo ay ang buhay mo. Ang araw-araw na pakikipagsapalaran ay ang plot. Tatawa sa kalokohan at malulungkot sa pagkasawi. Ang adbentyur ay mahaba, minsa'y nakakapagod ngunit nakapupulot ng mga bagong kaisipan. Samahan mo akong mamulot ng gintong aral sa mga kwentong magagaan sa mabibigat na hamon ng buhay. Ang pananaw mo ay mahalaga.

PARA SAAN?

Sa susunod na mambabasa, sa susunod na susulat, sa susunod na titingala sa langit at mangangarap. Magsilbi nawa itong inspirasyon sa mga magsisimula. Ang tanging sumusubok lamang ay ang mga nagtatagumpay, simulan sa maliliit hanggang matuto. Maging bahagi nawa ang ilang mga kwento sa araw-araw, ang ilang mga nakatutuwang karanasan ay tawanan at maging ang mga mapait na sandali ay gawing inspirasyon upang magpatuloy. Ang mga pahina ng iyong buhay ay unti-unting lalamanan ng bawat karanasang hitik sa iyong pakikipagsapalaran. Pagdating ng panahon, ang mga pahinang ito ay iyong bubuklatin at babalikan, masasabi sa iyong sarili, "Ako'y nagtagumpay."


Nais mo bang magbahagi ng iyong mga kuwento? Mga sariling ideya o mga karanasan? May nais linawin sa aking mga paskil o 'di kaya'y magbigay ng puna? Ipadala lamang ang inyong gawa at mga suhestiyon sa aking e-mail address na talesfromtheblogzone (at) gmail (dot) com. I-like din ang aking opisyal na Facebook Fan Page at Twitter account.