III. Time Machine
Pagod.
"Pagsisisi? Bakit naman ako magsisisi? Ang mahalin at makapagbigay ng pagmamahal ay ilan sa pinakamasayang pakiramdam ng buhay. Pagsisisihan ko lamang ang lahat kung hindi ko sinubukan ang alin man sa dalawang iyon at bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na mahalin... na makaranas ng mga masasayang alaala."
Pagod.
Nakaramdam ako ng pagkapagod kahit napakadali lang naman ng ginagawa ko. Anong nakakapagod sa pagbibigay ng lobo sa mga bata? Pagpapa-litrato? Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ang aking nakaraan, kasama ang iba. Bumibigat ang aking hininga. Dapat kong ipagpatuloy ang aking ginagawa ngunit meron sa loob ko ang nag-uutos sa akin na lapitan siya, at isa pang nag-uutos na huwag na lang. Takot at pangamba man ang nangingibabaw, bahala na. Pero huli na para sa naiipong lakas ng loob, paalis na sila. Sa mga mata ko na lamang sila mahahabol at iyon na rin marahil ang huling pagkakataon ko na makikita siya.