Showing posts with label short stories. Show all posts
Showing posts with label short stories. Show all posts

Monday, January 26, 2015

III. Time Machine

1 comment:

I. Nakaraan
III. Time Machine

"Pagsisisi? Bakit naman ako magsisisi? Ang mahalin at makapagbigay ng pagmamahal ay ilan sa pinakamasayang pakiramdam ng buhay. Pagsisisihan ko lamang ang lahat kung hindi ko sinubukan ang alin man sa dalawang iyon at bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na mahalin... na makaranas ng mga masasayang alaala."

Pagod.

Nakaramdam ako ng pagkapagod kahit napakadali lang naman ng ginagawa ko. Anong nakakapagod sa pagbibigay ng lobo sa mga bata? Pagpapa-litrato? Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ang aking nakaraan, kasama ang iba. Bumibigat ang aking hininga. Dapat kong ipagpatuloy ang aking ginagawa ngunit meron sa loob ko ang nag-uutos sa akin na lapitan siya, at isa pang nag-uutos na huwag na lang. Takot at pangamba man ang nangingibabaw, bahala na. Pero huli na para sa naiipong lakas ng loob, paalis na sila. Sa mga mata ko na lamang sila mahahabol at iyon na rin marahil ang huling pagkakataon ko na makikita siya.

II. Mascot

1 comment:
I. Nakaraan
II. Mascot
III. Time Machine

"Hihilingin ko na lang na sana ay panaginip na lang ang lahat, ngunit hindi na nga ito panaginip. Katabi ko sya, at iyon din ang pinakamasakit na oras ng buhay ko."

Kung hindi lang ako nahihiya sa kaibigang nag-effort para puntahan pa ako sa bahay eh hindi ko talaga tatanggapin ang trabaho na ito. Sa dinami-dami ba naman ng raket na mairerekomenda, eh ito pang pagiging mascot ang napili. Nakakahiya kaya. Pero sa kabilang banda, malaki ang maitutulong ng perang susuwelduhin ko dito sa pagbabayad ng aking matrikula. Magtatapos na naman ang semestre at tiyak na ipatatawag na naman ako sa Cashier's nito para sa mga bayarin, hay.


Bahala na.


I. Nakaraan

1 comment:



"Paano kung makita mong muli ang tao na matagal mong iniwasan at hiniling na sana ay hindi mo na makita pa? Anong gagawin mo?"

Naglalakad ako sa mall isang gabi para sana bumili ng polo shirt. Dahil matagal akong mamili, naikot ko na ang buong lugar, hindi pa ako nakakapili ng damit. Makalipas ang ilang oras, binili ko na 'yung kulay blue na polo shirt. Hindi manipis pero hindi rin sobrang kapal ng tela. Presko. Tama rin ang sukat sa hot kong katawan. Sale din kasi sila ng 50%. Pagkatapos kong bayaran, nakita ko ang katapat na fast food chain at nagdesisyon na kumain muna.

Pagkabulsa ng sukli sa polo shirt, tinungo ko ang pinto ng food chain. Ayos walang pila sa counter, makakaorder kaagad. Papalapit na ako nang mapansin ko ang babaeng iyo malapit sa pinto. Kahit nakatalikod, alam ko, kilala ko sya. Sa buhok, sa korte ng katawan, sa kutis, kahit matagal kong hindi sya nakita,

Tuesday, June 10, 2014

Apid!

2 comments:
"Tuluyan nang nilukuban ng galit ang isipan ni Rigor. Mabilis itong tumungo sa kusina at hinugot ang matalim na kutsilyo sa puluhan malapit sa lababo. Mahigpit ang pagkakahawak, nakaturo paibaba ang talim, handa na siyang pumatay!"


Hirap ng buhay. Pera. Masarap na pagkain. Asenso. Kaginhawaan.

Mga bagay na araw-araw na lang na isinusumbat ni Marta sa asawang si Rigor. Ipinamumukha ang kinasasadlakan nilang buhay, buhay na mahirap. Bilang "padre de pamilya", nasasaktan si Rigor ngunit tanggap niya na kulang talaga ang kinikita sa paekstra-ekstra lamang sa konstraksyon para tugunan ang pangangailangan ng apat nitong mga anak, at mga luho ng asawa. Gustuhin mang umasenso, ito lamang ang alam niyang hanapbuhay sa walang pinag-aralan na tulad niya. Isang kahig, lima ang tutuka.

Si Marta, hindi na tinapos ang hayskul at sumama na kay Rigor. Umasang giginhawa ang buhay at makakaalis sa wasak niyang pamilya. Dahil bata pa, walang alam sa buhay si Marta. Iniaasa sa panganay nitong anak ang mga gawain sa bahay at palagi siyang nakaharap sa salamin para magpaganda. Magkaganun man, pinunan ni Rigor ang pagkukulang ng asawa at naging mabuting haligi ng tahanan sa kanila.

Tuesday, February 4, 2014

Text Message

4 comments:
Makalat ang kwarto. Nahihilo at puyat na bumangon si Stella habang inaalala pa ang nangyaring hiwalayan ng kanyang boyfriend kahapon. Limang taong relasyon na nauwi sa hiwalayan dahil sa matinding selos at hindi pagkakaunawaan. Mugto ang mga mata sa magdamag na kakaiyak. Nakataob at basag na ang picture frame na may litrato nilang dalawa na magkasama. Isang "text message" ang kanyang na-receive sa teleponong nakapatong sa mesa malapit sa basag na picture frame.


"Pwede ba tayong magkita kahit sandali lang? Hihintayin kita.."


Si Andy. 


Natahimik sandali si Stella. Nagdadalawang isip kung makikipagkita pa sa ex. Matapos makapagbitaw at magpalitan ng mga masasakit na salita ang bawat isa sa kanila, natatakot siyang baka mag-away lang sila ulit. Nag-aalangan man, nagdesisyon syang makipagkita kay Andy sa huling pagkakataon.

Sunday, February 2, 2014

Para Kay K

2 comments:

Kung masaya ka, masaya na rin ako.

Shit. Iyon na ang pinaka-plastik kong nasabi sa tanang buhay ko. At hindi ko na uulitin pang sabihin ang mga bagay na iyon. Madali lang bigkasin, pero kumukurot sa dibdib. Ang katotohanan ang patuloy na sumusugat sa damdamin kong pilit kumukubli sa ngiting ipinaniniwala ko sa ibang tao. Ang pagkatao kong matapang ay nadudurog sa kaloob-looban. May kung ano sa akin ang nagnanais sa isang bagay, ngunit pinipigilan ng isang pansariling dahilan, dahilan na para sa akin ay tama, dahilan na ako lamang ang nakakaalam.

Sunday, January 19, 2014

Ang Gabi Ni Igor

5 comments:

mula dito ang larawan
Ang gabi ay mabilis na tumakip sa mga gusali, dumilim sa malalaki't maliliit na lansangan, tumabing sa mukha ng mga taong pagod sa buong araw na paghahanap-buhay, nagmamadaling makauwi upang makapagpahinga. Ngunit ang gabi ay waring itim na tela lamang na inilatag sa kalangitan. Na ang dilim ay hinihintay ng bawat isa at inaasahan. Kung umihip man ang malamig na hangin sa kalupaan, sanay na at alam ng bawat isa ang ihip na iyon ay nakapagpapagaan sa kanilang pakiramdam.

Ang gabi ay hindi napapansin ng sasampung taong gulang na si Igor. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging kalye na siyang naging kanyang tirahan. Para kay Igor, ang gabi ay uulit lang, gaya ng paulit ulit na pag-ihip ng malamig na simoy, iihip rin ito bukas. Huwag lamang siyang mapapaalis sa kanyang "lugar-palimusan," o kahit ang kanyang inipong buntol ng kahong karton na nagsisilbi nang kama sa payatin nitong katawan. Para kay Igor, iyon ang buhay niya.

Ilang nakahanay ang nagtitinda ng mumurahing laruang pambata, mga kakaning kutsinta at manaka-nakang ingay na dulot ng pagpapatugtog ng nagbebenta ng dibidi at mga elektronikong kagamitan. Saksi ang isang lulumaing simbahan na tinatangkilik pa rin ng taong-bayan sa dami ng tao, nagkakasyang dumaan sa kalyeng kung saan nakaupo si Igor. Nakatunghay, hindi sa simbahan ngunit sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng barya sa madudungis na palad.

Mapapaiyak na si Igor. Ang tingin nya tuloy sa mga kumukutitap na bumbilya sa tindahang katapat ay mumunting apoy na nakakalat sa hangin, maaalalang kanina pa pala syang tanghali sa kalyeng iyon. Ginabing nakalahad parin ang mga palad sa bawat dumadaan, umaasang mahuhulugan ng baryang kanyang magiging hapunan, nguni't ang mga pisong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Isang buntong hininga ang itutugon ngunit tututol ang kumakalam nyang sikmura, dumaragdag ang lamig ng panahon na sumusuot sa kanyang kamisetang malinis pa ang trapo.


"Mama... Ale, palimos na po."


Tuesday, April 16, 2013

Status

6 comments:

Maulan pero daig pa sa binagyo ang pagmumukha ng lalaking lumabas sa pintuan ng katapat naming bahay. May dalang malaking teddy bear na may pulang ribbon sa leeg at kumpol ng chicharong bulaklak. Joke! Rosas 'yun, malamang sa malamang ay may isa na namang binasted na manliligaw itong si Ate Clara. Natatawa talaga ako sa tuwing makikita ko ang ganitong mga eksena. Nai-imagine ko si Ate Clara na humahalakhak sa tuwa habang nagta-tally sa whiteboard ng mga binasted niyang manliligaw. Pero alam ko, hindi gan'un kadali para sa kanya ang ganitong mga eksena.

Dala ng maagang pagkawalay sa ama, si Ate Clara na ang tumayong "bread winner" sa kanyang matanda ng ina. Meron din silang maliit na tindahan sa tapat kung saan madalas akong bumili ng Bazooka BubbleGum. Parang tipikal na "kwentong manang" na napapanuod sa tv ang kwento ni Ate, pero sana ay ganun na lang katipikal ang lahat, atlis may happy ending 'yun bida. Hindi naman gan'un ka-manang si Ate Clara. Ate lang ang tawag ko sa kanya para pa-sweet efek kumbaga, pero dalawang taon lamang ang tanda niya sa akin. Kung kagandahan lang naman, kartada diyes 'to! Maputi, matalino at malambing pa. Kung manyakis ako, liligawan ko na 'to eh! Kaso, sobrang bait niyang ate sa akin. Madalas ay sa akin siya kung magkuwento ng pagsubok ng buhay. Akala tuloy ng mga tsismosang kapitbahay ay kami ang magsyota.

Palagi niyang sinasabi sa akin ang mga pangarap niya para sa kanyang ina. Mga pangarap na dapat ang tatay niya ang tumutupad. Malaking responsibilidad ang isinampa niya sa sariling balikat. Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung paano niya gagawin ang mga iyon, lalo't mag-isa lamang siya sa pagsubok. Naitanong ko kung may balak pa siyang mag-asawa, napansin ko kasi ang malaking tally board niya sa bandang kusina, joke! Pero sa tuwing itinatanong ko sa kanya ang mga bagay na iyon, ngiti lamang ang madalas niyang isagot sa akin at susundan ng buntong hininga. Bigla niyang sasabihin na "makapaghihintay naman 'yang lovelife na 'yan eh." Hihirit ako bigla ng "Ate, paano kung maiwanan ka na ng biyahe?"

Ang alam ko, nagkaroon naman siya ng mga ka-M.U. Ubod na siguro siya ng yaman sa mga mayayabang este mayayaman niyang manliligaw, pero madalas ay basted silang lahat. Marahil ay hindi nila maintindihan ang sitwasyon ni Ate Clara. Ramdam ko sa kanya ang pag-iisa, ang kakulangan sa kanyang sarili, ang pagod sa buhay. Humahanga ako dahil kinaya niyang iisang-tabi ang pansariling kaligayahan para sa ina. Inaaliw ang sarili sa piling nito. Hihirit ulit ako ng "Ate, ba't ayaw mong subukan? Hindi mo naman siya pababayaan." Sagot niya, "Sana nga ay ganun lang kadali ang umibig, subok lang ng subok. Pero may damdamin tayo, nasasaktan at napapagod." Hindi ako nakaimik sandali. Palihim niyang pinunasan ang tumulong luha sa mata at biglang tumawa ng malakas. Hirit ulit ako ng tanong na "Ate, paano kung mawala na ang lahat, at maiwan ka ng mag-isa?"

Medyo maulan pa rin at ilang buwan ng hindi kami nakakapag-kwentuhan ni Ate Clara. Hindi ako mapakali sa bahay kaya naisipin kong mag-internet sa kanto. Nagulat na lang ako ng buksan ang profile ni Ate Clara. Nagbago ng status. <*ngiti*> Natakot siguro sa sinabi ko.