Tuesday, June 10, 2014

Apid!

"Tuluyan nang nilukuban ng galit ang isipan ni Rigor. Mabilis itong tumungo sa kusina at hinugot ang matalim na kutsilyo sa puluhan malapit sa lababo. Mahigpit ang pagkakahawak, nakaturo paibaba ang talim, handa na siyang pumatay!"


Hirap ng buhay. Pera. Masarap na pagkain. Asenso. Kaginhawaan.

Mga bagay na araw-araw na lang na isinusumbat ni Marta sa asawang si Rigor. Ipinamumukha ang kinasasadlakan nilang buhay, buhay na mahirap. Bilang "padre de pamilya", nasasaktan si Rigor ngunit tanggap niya na kulang talaga ang kinikita sa paekstra-ekstra lamang sa konstraksyon para tugunan ang pangangailangan ng apat nitong mga anak, at mga luho ng asawa. Gustuhin mang umasenso, ito lamang ang alam niyang hanapbuhay sa walang pinag-aralan na tulad niya. Isang kahig, lima ang tutuka.

Si Marta, hindi na tinapos ang hayskul at sumama na kay Rigor. Umasang giginhawa ang buhay at makakaalis sa wasak niyang pamilya. Dahil bata pa, walang alam sa buhay si Marta. Iniaasa sa panganay nitong anak ang mga gawain sa bahay at palagi siyang nakaharap sa salamin para magpaganda. Magkaganun man, pinunan ni Rigor ang pagkukulang ng asawa at naging mabuting haligi ng tahanan sa kanila.

Lingguhan kung umuwi si Rigor sa kanyang pamilya ngunit Miyerkules pa lang ay napauwi na ito dahil nakasama umano siya sa mga natanggal sa trabaho, marahil ay nagtitipid ang kompanya. Naabutan niyang naglalaro ang apat niyang mga anak malayo sa kanilang bahay. Nagtataka man, ipinaliwanag ng panganay na pinayagan silang maglaro ng ina at huwag raw munang babalik. Nagtungo si Rigor sa bahay matapos iabot ang dalang tinapay sa mga anak. Pagkapasok, walang tao. Isang mahinang boses ng babae ang kanyang narinig sa kanilang silid. Si Marta, ngunit kasama ang isang lalaking nakakubabaw sa hubad niyang katawan. Isang eksena ng pagtatalik!

Kumpare sa kasal at madalas na hiraman ng pera ni Rigor sa tuwing nagigipit si Cris. Isang OFW, maykaya sa buhay at hiwalay sa asawa. Naninilaw ang mga braso't leeg sa suot nitong mga alahas, bigotilyo at malaki ang tiyan. Nagpapakasarap at nilulunod ang sarili sa katawan ni Marta. Ninanamnam at sinisiil ng halik ang asawa ng kumpare. Hindi alintana na nakamasid na si Rigor sa ginagawa nitong pag-angkin kay Marta. Bawat halikan ay suntok sa mukha ni Rigor. Ang mga yakap at romansa ay nakadaragdag sa namumuo ng galit sa dibdib ni Rigor. Galit sa asawa at sa kaibigan. Galit na nagiging demonyo. Demonyo na nag-uutos kay Rigor na pumatay!

Mainit ang nangyayaring pagtatalik ni Cris at Marta. Tuluyan nang nilukuban ng galit ang isipan ni Rigor. Mabilis itong tumungo sa kusina at hinugot ang matalim na kutsilyo sa puluhan malapit sa lababo. Mahigpit ang pagkakahawak, nakaturo paibaba ang talim, handa na siyang pumatay! 

Ituturing akong kriminal...

Makukulong! Sino na lang ang magtataguyod sa aking mga anak na maiiwan? Mga pangitain na biglang sumagi sa isipan ni Rigor. Mahal nya ang kanyang pamilya. Ang kanyang mga anak at kahit pa ang nagtaksil niyang asawa. Nanginginig ang kanyang katawan sa pinaghalong galit at takot. May pagdadalawang-isip kong itutuloy pa ang gagawin. 

Nasa kasukdulan na ng seks ng makita ni Cris si Rigor na may panlilisik na tingin sa kanila at ang nakaumang nitong kutsilyo sa kanya. Napabalikwas ito sa kama at nagmamakaawa na buhayin pa siya ni Rigor. Si Marta ay nahintakutan din kay Rigor at binalot ang sarili ng kumot. Lumapit si Rigor ng may pag-aalinlangan pa rin ngunit sinunggaban siya agad  ni Cris upang agawin ang hawak na kutsilyo. Nagkaron ng tensyon! Pangungutya at matagal ng pagnanasa sa asawa ang mga naibulalas ni Cris kay Rigor habang nagpapambuno, mga salita na lalong nagpaigting ng kanina pang galit sa dibdib ni Rigor. Buong lakas at galit na isinasak ni Rigor ang kutsilyo sa katawan ni Cris. Sunod-sunod! 

Nilamon ng galit ang diwa ni Rigor habang sumasaksak. Hindi matanggap ang kinahantungan ng kanyang pamilya. Itinatanong sa sarili kung saan siya nagkulang. Iniisip kung saan siya nagkamali. Nakatingin si Rigor kay Marta. Nanunumbat ang mga mata sa asawa. Itinatanong kung bakit nya ito nagawa sa kanya. Naliligo na sa sariling dugo si Cris at hindi na makilala sa dami ng butas sa katawan. Humihingal, tumayo si Rigor, hawak ang duguang kutsilyo, gulat sa kanyang nagawa. Tumakbo si Marta papalabas ng bahay para tumakas. Tulala, napaiyak si Rigor. Isang nakasisilaw na liwanag ang bumulag sa mga luhaang mata ni Rigor. Kinain ng liwanag ang lahat.




Rigor, tawag ka ni hepe!


Matapos makapirma, iniabot na ni hepe ang papeles kay Rigor. Malaya na ito. Pinagsabihan na huwag ng babalik sa lugar na iyon. Dala ang bag, tinungo niya ang rehas na bakal, ang pinto papalabas. Mula sa kadiliman, nasilaw ito sa liwanag ng araw sa labas. Doon ay hinihintay na siya ng mga anak na kinalinga ng kanyang kapatid. Masayang-masaya at makakasama na nilang muli ang ama na matagal na nawalay. Magsisimula ulit at pagsisikapan ang buhay. Wala na silang balita kay Marta. Magkaganun man, handa si Rigor na itaguyod muli ang mahal niyang mga anak. 

Araw rin pala ng Kalayaan nung araw na iyon. Natawa na lang si Rigor. Coincidence.




-wakas-

2 comments:

  1. hmmm gumawa ka na kaya ng libro ng mga short story ahaha. galing mo magisip ng story at plot ☺

    ReplyDelete
  2. Wow ang galing naman. Nai-konek pa talaga sa Araw ng Kalayaan ^^

    Mahusay ka talaga Tonyo sa paglikha ng mga maikling kwento :) *claps claps*

    Iniimagine ko si Cris, parang tinadtad na lechon lol

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com