Sunday, January 19, 2014

Ang Gabi Ni Igor


mula dito ang larawan
Ang gabi ay mabilis na tumakip sa mga gusali, dumilim sa malalaki't maliliit na lansangan, tumabing sa mukha ng mga taong pagod sa buong araw na paghahanap-buhay, nagmamadaling makauwi upang makapagpahinga. Ngunit ang gabi ay waring itim na tela lamang na inilatag sa kalangitan. Na ang dilim ay hinihintay ng bawat isa at inaasahan. Kung umihip man ang malamig na hangin sa kalupaan, sanay na at alam ng bawat isa ang ihip na iyon ay nakapagpapagaan sa kanilang pakiramdam.

Ang gabi ay hindi napapansin ng sasampung taong gulang na si Igor. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging kalye na siyang naging kanyang tirahan. Para kay Igor, ang gabi ay uulit lang, gaya ng paulit ulit na pag-ihip ng malamig na simoy, iihip rin ito bukas. Huwag lamang siyang mapapaalis sa kanyang "lugar-palimusan," o kahit ang kanyang inipong buntol ng kahong karton na nagsisilbi nang kama sa payatin nitong katawan. Para kay Igor, iyon ang buhay niya.

Ilang nakahanay ang nagtitinda ng mumurahing laruang pambata, mga kakaning kutsinta at manaka-nakang ingay na dulot ng pagpapatugtog ng nagbebenta ng dibidi at mga elektronikong kagamitan. Saksi ang isang lulumaing simbahan na tinatangkilik pa rin ng taong-bayan sa dami ng tao, nagkakasyang dumaan sa kalyeng kung saan nakaupo si Igor. Nakatunghay, hindi sa simbahan ngunit sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng barya sa madudungis na palad.

Mapapaiyak na si Igor. Ang tingin nya tuloy sa mga kumukutitap na bumbilya sa tindahang katapat ay mumunting apoy na nakakalat sa hangin, maaalalang kanina pa pala syang tanghali sa kalyeng iyon. Ginabing nakalahad parin ang mga palad sa bawat dumadaan, umaasang mahuhulugan ng baryang kanyang magiging hapunan, nguni't ang mga pisong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Isang buntong hininga ang itutugon ngunit tututol ang kumakalam nyang sikmura, dumaragdag ang lamig ng panahon na sumusuot sa kanyang kamisetang malinis pa ang trapo.


"Mama... Ale, palimos na po."


Ang mga mukhang nagdaraan ay malalamig pa sa hangin kung tumugon sa kanyang panawagan, ang mga kamay ay tikom at mga hakbang na nagpapahiwatig ng pagmamadali ng pag-iwas.


"Palimos po. Ale... hindi pa po ako kumakain!"


Kung may makarinig man sa panawagan ni Igor, ang ihaharap naman ay simangot, pandidiri, pagkasuklam. "Ang mga tinamaan! Pinaghahanapbuhayan ang kanilang mga pera para ipangsugal at ipang-inom ng alak!",narinig ni Igor. Marahang na papalapit sa kanya, ang pilay na matanda na pumupwesto sa simbahan ang nakita ni Igor, si Aling Tentay.

Pakuskos at mabilis na pinahid ang maitim na kamiseta sa paiyak nitong mga mata, halos araw-araw ay napapaiyak si Igor, hindi lamang niya ipinapahalata kahit kanino man sa naroroong nagpapalimos.

"May reklamo?" habang naka-amba ang kamao ni Bruno. Ang mga mata nito ay nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik ang mga pulubi sa pagbibigay sa kanya ng kanilang napaglimusan. Bagay na kinatatakutan ni Igor sa buong araw, o maging ng iba pang nagpapalimos, si Bruno.

Nakanginginig sa tuwing inilalagay ni Igor sa masakim na palad ni Bruno ang mga barya, baryang matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kanyang sikmura. Wari ni Igor, kung sana'y may lakas lang siya para hindi na makuha ang kanyang pinaghirapan, ngunit tinatakasan siya ng tapang. Ipinagdarasal niyang huwag na siyang makita ni Bruno kaylanman.

"Maawa na po kayo, Mama...Ale, gutom na gutom na ako...!"

Bawat panawagan ni Igor ay walang halaga, waring mga boses lamang sa hanging malamig, 'sing lamig rin ang tugon ng kung sino mang makaririnig. Ang mga tao ay tuod na sa araw araw na namamalimos na pulubi. Maging ang mga taong ito ay naghihirap rin, panahon na patuloy ang karukhaan sa lupa.

Sabay ng pagtunog ng kampana sa simbahan ay ang pagkilos ng mga nagsisimba, papalabas. Waring nagmamadali na tila ba wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Narinig ni Igor ang kampana, natuwa, nagmamadaling tumunghay at naglahad ng kanyang palad, pinagbuti ang panawagan sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.


"Paparating na si Bruno..." ani ni Aling Tentay na walang sino mang pinatutungkulan sa kanyang babala. Para sa lahat ng makaririnig, sa lahat ng makakatakbo o mahuhuli.


Biglang bigla, napawi ang katuwaan ni Igor. Animo'y kinain ng kanyang bituka ang kanyang gutom. Ang pangamba at takot na kanyang iniisip ay nadadaig ng kulo ng tiyan. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang tao-malamig walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama ang sakit, at marahil hanggang sa ngayon ay naroroon pa't umuudyok sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

Ilang piraso ng barya ang nalaglag sa kanyang nakatunghay na palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagka't ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurungis na kamay na para bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Igor ang napaglimusan sa kanyang bulsa. Ilan pang barya ang kasunod na nalaglag sa kanyang palad at sa kaabalahan niya'y hindi nya napansing kakaunti na ang taong lumalabas mula sa simbahan. Nakaramdam si Igor ng kalungkutan. Hindi gutom kundi ang kanyang pag-iisa na kahit nakasanayan, pinapatay pa rin ang kanyang kaluluwa. Ang bawat irap, iwas at pagwawalang-bahala, ang mga mukhang malalamig na ibinibigay sa kanya, ang siyang kanyang kahinaan. Wala siyang karamay.


"Igor... nandyan na si Bruno!!!" naririnig niyang sigaw ni Aling Tentay.

Sinipat ni Igor ang inginuso sa kanyang ni Aling Tentay. Si Bruno nga! Ang malapad nitong katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na sumbrero. Kinapa ni Igor ang kanyang lagayan ng barya. Malamig. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi sumasapat pamatay ningas sa apoy na kanina pa niya nararamdaman. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang mga palad ang kanyang kayamanan.


"Diyan na kayo, Aling Tentay...sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis niyang sabi sa pilay.

"Ano? Naloloko ka ba, Igor? Sasaktan ka ni Bruno. Makikita ka ni Bruno!"


Narinig man ni Igor ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula'y marahan, nguni't nang makubli siya sa ilang mga harang ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga jeepney na mabagal ang andar dahil sa trapik. Sumiksik at bumunggo sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya'y nawala na siya sa loob niyang madilim na eskinita.

Napasandal siya sa poste ng kuryente. Dinama ang tigas ng konkretong nakatayo sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa mura nitong isipan, tumindig ang tagumpay sa puso ni Igor, ang paglayo kay Bruno, ang paglayo sa kalyeng iyon, ang paglayo sa gutom, sa mga matang mapanghusga at mapanglait, ang paglayo sa pangamba. Muling dinama ni Igor ang piraso ng barya sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.


"Igor!!!!"


Isang papalapit na yabag ang kasunod.

Binalutan ng takot si Igor. Ang mabigat na tinig na iyon ay nagdulot sa kanya ng di maipaliwanag na pangamba. Gusto nyang tumakbo. Gusto nyang tumakbo, ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang natitirang lakas pa para sakaling umiwas.


"Bitiwan mo ako, Bruno! Bitiwan mo ako!" naisigaw na lamang ni Igor.


Ngunit hindi na nya narinig ang mabigat na tinig. Naramdaman na lamang niya sa kanyang mukha ang malulupit na kamao ni Bruno. Napahiga sa sakit si Igor. Nahilo. Ang nakakulong na mga barya sa kanyang palad ay malayang tumapon sa kanyang harapan. Tinangka mang ipunin muli ni Igor, ang lahat ay napasakamay ni Bruno. Masakit man ang mukha, hindi ito inalintana ni Igor at sinikap na tumayo mula sa pinagbagsakan.


"Akinaaa yaannnn!"


Animo'y mabangis na hayop, sinunggaban ni Igor ang kalaban. Nakipagbuno. Sa murang edad, pinag-alab ng sitwasyon sa kanyang puso ang galit, galit na dulot ng kawalang katarungan sa lipunan, galit na sanhi ng kanyang pagkagutom at pag-iisa, napag-ningas ng masakit na pangyayari ng mga oras na iyon. Makakatakas si Igor, walang tapak, mabilis ang mga paa, animoy lilipad. Sa kadiliman ng eskinita, bahala na kung sino o ano ang mabangga.

Patuloy sa pagtakbo ang mga paang manhid. Pasingit singit sa kumpol at kapal ng taong naglalakad. Paliko-liko sa siwang ng magkakapilang mga sasakyan na naiipit sa mahabang trapiko. Palingon-lingon sa likuran, umaasang hindi na siya mahahabol ni Bruno. Ang mga paa ay dagliang tumigil sa pagtapak at nakaramdam ng pagod, ngunit isang tinig ang nagpatigil at nagpatingala sa hinihingal na bata. Isang nakasisilaw na liwanag ang pumukaw sa luhaang mga mata ni Igor.


"Halika na...sumama ka sa akin."

...


"Sino ka?"

...


"Hindi ka na mag-iisa pa, Igor... Halika sa aking paraiso..."

...

...

Pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kalupitan sa lupa sa kapayapaang biglang yumakap sa kanya. Magaang sa pakiramdam. Gusto iyon ni Igor.


"Ahhhhh!! Tulong! Ang bata, nasagasaan!," sigaw ng isang ale.

Wakas.

5 comments:

  1. ahahaha ito ang namiss ko ang galing mo talaga gumawa ng kwento.

    medyo nakakalungkot lang pero ang ganda mg kwento

    ReplyDelete
  2. Waaah! ang lungkot naman ng kuwento *sniff* di ko inaasahan yung twist sa dulo. Nakatakas nga si Igor sa malulupit na kamay ni Bruno pero nasagasaan naman siya. Haaayssst... pero mabuti na rin siguro ang nangyari kahit masaklap, at least sa langit, mapayapa na sya. Malayo sa anumang dusa at pasakit na dala ng malupit na buhay dito sa mundo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. your right ;) fiel-kun :)

      Delete
  3. ahm. may hit daw ako dito kaya ako napunta ako sa site mo. keep up the good work! -xienahgirl

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com