Friday, October 10, 2014

Para Sa Pinaka Mahalagang Babae Sa Akin Ngayon


Totoo pala ang sinasabi nila na kung ang isang tao raw ay malayo sa iyo, lalo raw lalalim ang nararamdaman mong pagtingin para sa kanya, lalong pinararamdam ng pagkasabik na makita mo siya. 

Aaminin kong minsan lang akong nakagawa ng sulat para sa iyo. Minsan naman kasi'y nagkakausap tayo. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan magsisimula kahit napakarami kong gustong sabihin. Limang minuto na yata akong nakatitig sa isang blangkong papel. Ilang beses tinangkang isulat ang ilang salita at buburahin din kalaunan. Puwede bang magsimula sa pagsasabing namimiss na kita? Maaari bang sabihin na ikaw sa t'wina ang laman ng aking isip? 

Nananabik akong makita ka. Bawat araw na lumilipas ay ikaw ang inaalala. Masakit para sa aking ang hindi kita mapagsilbihan. Ang mga bagay na dapat mong nakukuha ay hindi ko naibibigay. Alam kong ang mga bagay na ito ay iyong ikaliligaya at makapagpapasiya sa iyo ng sobra. 

Akala ko ang mga bagay ay may takdang panahon, ngunit sa bawat araw na lumilipas ay nararamdaman kong hindi ang takdang panahon ang magsasabi ng aking kahahantungan. Ang bawat buhay ay dapat pinaglalaban, at bawat araw na iniisip ka ay nagbibigay sa akin ng dahilan upang lumaban, upang magpatuloy kahit mahirap. Iniisip ko na tama ang aking dahilan at kilos, na tama ang aking tinatanaw na hinaharap kasama ka. 

Tinuruan mo akong magtiwala muli sa pag-ibig. Parang ikaw ang susi at ako ang pintuan. Hindi ko inaasahan na sa sobrang tagal ng paghihintay ko at sa pagsasara ng pinto, mayroong isang ikaw na kakatok sa pintuang ito. Bubuksan at magpapakita sa akin ng magandang ngiti. Nung una ay nagduda, dahil hirap magtiwala sa kumakatok. Pinagisipan kong mabuti kong magpapatuloy ba akong muli. Mahirap ang maiwanan ng bisita. Bigla na lamang umaalis ng pintuan, iniiwang bukas. Akala ko ay nariyan pa, ngunit wala na pala. 

Ipinaramdam mo uli sa aking ang kagandahan ng pag-ibig. Ang bawat araw ay puno ng pag-asa. Hindi mo alam kung paano mo ako napapasaya. Ang iyong mga kuwento ay aking pinakikinggan. Ang bawat pagtawa mo ay aking kinagagaanan ng loob. Ang bawat sandali na nakakasama ka ay aking pinahahalagahan. Napakasaya ko nung una kong mahawakan ang iyong mga kamay. Parang bigkis na nagdudugtong sa ating dalawa. Sa mga sandaling iyon, naramdaman kong hawak ko na ang aking pinapangarap. Naramdaman ko ang kaligayahan na matagal ko nang hindi nararamdaman. Parang ayaw ko nang bitawan pa. 

Hindi ko alam kung paano o bakit nangyari ang mga bagay na ito. Kung may dahilan man ang lahat ng bagay o pangyayari dito sa mundo, pipiliin ko na lang na hindi na malaman pa kung bakit tayo pinagtagpo. Iisipin ko lang na ito ay biyaya ng Diyos. Malugod at buong puso kong tinatanggap ang kanyang biyaya. Para akong pumila ng napakatagal sa lotto at naghintay, tumaya at nanalo ng jackpot. Pero syempre mas higit ka sa anumang jackpot dito sa mundo. 

Minsan, gusto kitang ipagdamot. Pagpasensyahan mo na kung madali akong magselos. Minsan kasi naiisip kong may mas magpapasaya pa sa iyo ng higit sa kaya ko. Pasensya ka na sa mga kinilos ko noon na parang bata. Sa ngayon ay limitado ang aking kakayahan, pero ipagpalagay na nating ganun, magsisikap pa rin akong higitan ang lahat ng maaaring mangyari, upang mapatunayan ang aking sarili at lubos na pagmamahal. Pagsisikapan ko ang lahat para sa iyo. Balang araw ay maipagmamalaki mo rin ako. Hindi mo naman kailangan na i-update ako sa mga bagay na pinagkakaabalahan mo. Sapat na sa akin na malaman kung ano ang kalagayan mo at kung ok ba ang sitwasyon mo, dahil mag-aalala talaga ako ng husto kung may masamang mangyari sa iyo, kaya mag-iingat ka parati. 

Nakakatuwa na ang tao minsan ay humihiling sa Diyos ng kanilang gustong makuha o marating, ngunit kapag ibinigay na ito sa kanila ay tinatanggihan naman nila ito, sa pagaakalang hindi sila karapat-dapat para rito. Ang bawat biyaya ay karapat-dapat sa atin. Hindi naman siguro ipagkakaloob ng Diyos sa atin ito kung hindi natin kailangan. Dapat lamang ay maging handa tayo sa pagtanggap. At ikaw ay itinuturing kung biyaya sa akin ng Maykapal. Anumang mangyari, pahahalagahan ko ang biyayang ito, ikaw. Kung ang mga pangako ay sadyang hindi natutupad, ipapanalangin ko na lamang na gamitin ako ng Diyos na instrumento upang mapasaya ka, upang maalagaan ka at upang maiparamdam sa iyo na hindi ka na masasaktan pa. Ipinapanalangin ko rin na sana ay alisin na sa puso mo ang sakit ng nakaraan at matutong maniwala sa pag-ibig. Kung maibabalik ko lamang ang panahon ay nanaisin kong hindi na nangyari ang mga bagay na iyon. 

I know that there's a lot of things I did and I haven't thought long enough before doing them. I'm sorry. If only I could tell you how much I love you.. I'm sorry for all the pain I inflicted upon you and please know that I never intended to do so... 

Kung mauulit man ang buhay ko, ikaw at ikaw pa rin ang mamahalin ko. Sa iyo pa rin titibok ang puso at magpapahalaga ng totoo. Kung darating man ang panahon na makakalimutan ko ang lahat ng ito, itatago kita sa pinakailalim ng puso ko, ang lahat ng alaala, kahit hindi ganun karami pa, ay aking pahahalagahan hanggang sa ako ay nabubuhay. Nagpapasalamat ako at dumating ka sa aking buhay. 

Palagi mong itinatanong sa akin kung nagsisisi ba ako sa lahat. Bakit ko naman pagsisisihan ang mga bagay na nakapagpapasaya sa akin. Mahal kita. May hindi man tayo pinagkakaintindihan, naniniwala akong kaya nating lampasan ang lahat ng bagay ng nagtutulungan. Hindi man maging perpekto ang lahat, ito pa rin ang pinangarap ko na matagal na panahon, ikaw pa rin ang pinapangarap kong makasama. Alam mo na kaya kong magbago at gawin ang lahat para sa iyo. Sana makita mo ito. Hindi man ako ganun ka ideal, kaya ko rin naman na maging mabuting kapareha sa iyo sa darating na mga panahon. Patunayan natin sa lahat na kaya nating magtagumpay. Hold my hand. Hindi kita pababayaan at makakaasa kang susuportahan kita sa lahat ng iyong pangarap. Ako ay nandito lamang sa iyong tabi, sa pinakamasayang sandali ng iyong buhay at maging sa pinakamadilim. Lingon ka lamang at naroon pa rin ako, naghihintay lagi sa iyo.