Monday, January 26, 2015

I. Nakaraan




"Paano kung makita mong muli ang tao na matagal mong iniwasan at hiniling na sana ay hindi mo na makita pa? Anong gagawin mo?"

Naglalakad ako sa mall isang gabi para sana bumili ng polo shirt. Dahil matagal akong mamili, naikot ko na ang buong lugar, hindi pa ako nakakapili ng damit. Makalipas ang ilang oras, binili ko na 'yung kulay blue na polo shirt. Hindi manipis pero hindi rin sobrang kapal ng tela. Presko. Tama rin ang sukat sa hot kong katawan. Sale din kasi sila ng 50%. Pagkatapos kong bayaran, nakita ko ang katapat na fast food chain at nagdesisyon na kumain muna.

Pagkabulsa ng sukli sa polo shirt, tinungo ko ang pinto ng food chain. Ayos walang pila sa counter, makakaorder kaagad. Papalapit na ako nang mapansin ko ang babaeng iyo malapit sa pinto. Kahit nakatalikod, alam ko, kilala ko sya. Sa buhok, sa korte ng katawan, sa kutis, kahit matagal kong hindi sya nakita,


alam ko...



hindi ako pwedeng magkamali...



Siya 'yun.



Kinabahan at tumigil sandali. Isang lalaki ang tumabi sa lamesa niya. Gwapo at mukhang propesyonal. Dala niya ang tray ng pagkain nila. Andaming French Fries. Alam ko, paborito niya ang French Fries. Masaya sila habang kumakain. Kahit hindi ko marinig kung anong pinagkukwentuhan nila dahil malayo, alam ko na tuwang tuwa siya. 'Yun parin pala ang mannerism niya sa tuwing tumatawa siya. Nangungurot sa braso. Siya lang ang umubos ng lahat ng French Fries. Ang takaw pa rin. Ang saya nila. Ang saya niya.

Pagkatapos, may kinuha siyang card sa bag niya, naka-envelope at kulay yellow. 'Yun ang paborito nyang kulay. Iniabot niya ang card sa lalaki at may sinabi. Kitang-kita ko na hinawakan niya ang kamay nito. Kasunod 'nun, hinalikan siya sa labi at niyakap ng lalaki.



Tumigil ang oras sa kinatatayuan ko...



Kumabog ang dibdib. Pakiramdam ko ay nanghihina ako.



Parang walang tao sa paligid ko. Ako lang at ang babaeng tinititigan ko. Gustong umiyak ng mga mata ko pero alam kong nasa mall pa ako. Matagal na kaming wala. Wala na kami. Wala na akong karapatan pa.

Aalis na ako bago pa niya ako makita. Hindi ko maiwasang lumingon ulit sa huling pagkakataon na makikita ko siya. Ngunit ang paglingon na 'yun din ang sandali na kinakatakot kong mangyari. Lumingon siya at nakita niya ako sa labas. Suot ko ang binigay niyang polo shirt sa akin noon at alam ko, na nakilala niya ako. Ilang sandali ko siyang tinignan. Nakita ko ulit ang napakaganda niyang mukha bago ako tumalikod at lumakad paalis.




"Alexis gising na
Andito ang kaibigan mo!
Hinahanap ka..."





Umaga na. Si mama. Panaginip lang pala ang lahat. Parang totoo. Malinaw sa isip ko. Ang kanyang mukha... Nanginginig ang kamay ko. May luha din sa mga mata. Napaiyak pala talaga ako. Mabuti na lang at panaginip lang. Kung maging totoo man ang lahat ng iyon, hindi ko rin alam ang gagawin ko...



1 comment:

  1. Ano nga kaya ang gagawin mo kung mangyari man yun?

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com