Monday, January 26, 2015

III. Time Machine


I. Nakaraan
III. Time Machine

"Pagsisisi? Bakit naman ako magsisisi? Ang mahalin at makapagbigay ng pagmamahal ay ilan sa pinakamasayang pakiramdam ng buhay. Pagsisisihan ko lamang ang lahat kung hindi ko sinubukan ang alin man sa dalawang iyon at bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na mahalin... na makaranas ng mga masasayang alaala."

Pagod.

Nakaramdam ako ng pagkapagod kahit napakadali lang naman ng ginagawa ko. Anong nakakapagod sa pagbibigay ng lobo sa mga bata? Pagpapa-litrato? Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ang aking nakaraan, kasama ang iba. Bumibigat ang aking hininga. Dapat kong ipagpatuloy ang aking ginagawa ngunit meron sa loob ko ang nag-uutos sa akin na lapitan siya, at isa pang nag-uutos na huwag na lang. Takot at pangamba man ang nangingibabaw, bahala na. Pero huli na para sa naiipong lakas ng loob, paalis na sila. Sa mga mata ko na lamang sila mahahabol at iyon na rin marahil ang huling pagkakataon ko na makikita siya.



"Tara, kunin na natin ang sweldo sa opis. Ok ka lang ba pare?!"


Matatapos na ang araw. Mukha ba akong ok? Masasapak ko ang sinumang magtangka at magkamaling magbiro sa akin. Badtrip at talagang nakakainis. Bakit ba ako nagkakaganito? Apektadong apektado sa mga nakita. Matagal na kaming wala. At wala ng namamagitan pa sa aming dalawa, kaya dapat ay hindi na ako nagkakaganito. Dapat ay hindi na.

Tulala. Isang kalabit mula sa aking likuran ang nagpabalik sa aking diwa. Tinatawag na pala ang pangalan ko para sa pag-aabot ng mga nakasobreng pera. Pagkakuha ng sinuweldo, ibinulsa, dali dali na akong umalis para umuwi. Habang naglalakad, hindi ko maiwasang hindi isipin pa rin ang mga nangyari. Para itong na-glue sa utak ko. Inuutusan ang mga paa ko na magtungo sa isang lugar na pamilyar sa akin. Matagal kong iniwasan at nilayuan. Ang lugar na iyon na dati naming tagpuan, malapit sa lumang simbahan ng bayan. Hitik sa mga masasayang alaalaat eksena ng pagmamahalan. Bakit ba ako nandirito?


At bumuhos ang napakalakas na ulan...


Lunes. Ano naman kung unang araw ng pasukan. Suot ko pa rin ang parehong uniporme. Bilang pa rin ang allowance na ibinibigay sa akin ni Mama, na ipinanglalaro ko lang naman ng video games kapag uwian na. Ikalawang taon ko na dito sa mataas na paaralan at nakukuntento na ako sa itinatakbo sa araw araw ng boring kong buhay. Gigising sa umaga, papasok, uuwi, buhay estudyante. Tinatyaga ko na lang, pasa-saan ba't matatapos rin ang ilan pang mga taon ko dito. Pare-parehong mga mukha ulit. Sila silang mga maiingay parin ang nagdadaldalan. Pakunswelo ko na lang at ikinatutuwa ko pa rin ay papasok pa rin ako sa pinakamataas na seksyon ng baitang namin. Dun ko lang nasasabi sa sarili ko na matalino rin pala ako kahit papaano.


"Hoy, musta?!"


Si Janson. Isang tapik sa balikat ko habang naka hawak-kamay pa sa isang sexy at matangkad na babae. Kung iisipin, ikalawang taon na rin nilang mag-syota buhat ng magpatulong pa sa akin si Janson na manligaw sa babaeng iyon. Kahit nakakatamad, pumayag akong maging tulay sa kanilang dalawa para matapos na lang. Wala rin naman akong paki-alam sa mga magkakarelasyon sa klase. Marami pang bagay ang dapat pagtuunan ng oras at panahon.


"Ok lang tol...
2 years na kami. Siya nga pala, si... bago nating kaklase."


May bagong lipat. Maganda siya. Hindi na ako nagtaka nang maboto at manalo siyang pinakamaganda sa klase. Nakikitaas na lang ako ng kamay para bumoto sa sinumang mananalong klas opiser. Wala rin naman akong pakialam basta maraming magtaas ng kamay, dun na rin ako. Hindi ko namang akalaing maboboto akong pinakagwapo. Sinong Hudas naman ang nagsama ng pangalan ko sa listahan ng pagbobotohan? At sumang-ayon pa ang buong klase. Nakakainis. Nananahimik tapos bigla magiging ganito na. Premyo ko na lang ay dahil maganda ang kapareha ko. Madali lang naman siguro ang magiging trabaho ko. Hindi tulad ng taga-saway ng maiingay o taga-sulat ng napakahabang lektyur sa blackboard. Pero iba pala ang magiging pakiramdam at ang kahahantungan ng lahat.

Gusto ko ang mga eksenang masaya, puno ng kaligayahan ang kanyang mukha. Kahit na tumatakas ako para maglaro ng video games sa tuwing may miting ang mga opiser ay bumabalik ako para umatend. Palihim akong tumitingin at makikita ang mga matatamis na ngiti sa kanyang labi. Gustong gusto kong nakalugay ang kanyang buhok. Mas maaga na akong nagigising sa umaga dahil alam kong maaga rin siyang pumapasok sa klase para gumawa ng assignment. Makakakopya ako. Bukod dun, gustong gusto ko ang sa tuwina'y pagtapik nya sa aking balikat. Ang mga eksena na magkahawak ang aming mga kamay sa mga pa-kontes at programa. Ang pakiramdam na iyon ang siyang nagpapaibayo sa akin upang lubusan pa siyang makilala. Hindi na nga siya isang ordinaryong kaklase lamang, o kapareha. Nagiging espesyal na ang lahat. Ang pagsisimula ng aming pagkakaibigan.


Mukhang hindi na titigil ang pag-ulan...


Dapat ba akong maghinanakit sa iyo sa lahat ng nangyari?
Dapat ko bang pagsisihan ang mga panahon na nakilala pa kita at
hinayaang pumasok sa mundong aking ginagalawan?
Tama bang minahal pa kita?


Pagsisisi? Bakit naman ako magsisisi? Ang mahalin at makapagbigay ng pagmamahal ay ilan sa pinakamasayang pakiramdam ng buhay. Pagsisisihan ko lamang ang lahat kung hindi ko sinubukan ang alin man sa dalawang iyon at bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na mahalin, na makaranas ng mga masasayang alaala. Hindi ko maitatanggi ang katotohanan na wala ka na nga, wala na ang dati. Pero ang dating iyon ang hinahanap ko. Kumakapit pa rin ako sa mga alaala mo. Umaasang isang araw ay parang panaginip lang ang lahat. Kung maibabalik man ang panahon, magiging masaya rin kaya ako? Ano bang nangyayari sa akin? Nananaginip ako ng gising. Sa lakas nitong ulan, kahit gustuhin ko mang mag-taxi para pauwi ay mukhang imposible na. Baliw na lang ang bibyahe at hihinto sa harapan ko para magsakay dahil sa lakas ng ulan. Wala akong magagawa kundi ang umasa na titigil pa ang malakas na ulan na ito. Wala akong magagawa, wala, palagi na lang wala akong magagawa...

Kahit gaano na ka-ok ang lahat, hindi mo pa rin maiiwasang makaramdam ng pagkalungkot sa tuwing ikaw ay nag-iisa.


"Boss, taxi?"
"Sta. cruz lang."

Nabigla sa babaeng sakay sa likuran.


Ikaw....?!






1 comment:

  1. Lahat may hangganan,ngunit sa bawat katapusan. laging may kasunod na bagong panimula o di kaya'y karugtong ng naputol na ugnayan sa nakaraan.

    Kung sino man yun nakita ni Alexis sa taxi siguradong sila yung meant to be.

    Galing!

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com