Tuesday, February 4, 2014

Text Message

Makalat ang kwarto. Nahihilo at puyat na bumangon si Stella habang inaalala pa ang nangyaring hiwalayan ng kanyang boyfriend kahapon. Limang taong relasyon na nauwi sa hiwalayan dahil sa matinding selos at hindi pagkakaunawaan. Mugto ang mga mata sa magdamag na kakaiyak. Nakataob at basag na ang picture frame na may litrato nilang dalawa na magkasama. Isang "text message" ang kanyang na-receive sa teleponong nakapatong sa mesa malapit sa basag na picture frame.


"Pwede ba tayong magkita kahit sandali lang? Hihintayin kita.."


Si Andy


Natahimik sandali si Stella. Nagdadalawang isip kung makikipagkita pa sa ex. Matapos makapagbitaw at magpalitan ng mga masasakit na salita ang bawat isa sa kanila, natatakot siyang baka mag-away lang sila ulit. Nag-aalangan man, nagdesisyon syang makipagkita kay Andy sa huling pagkakataon.

Matapos ayusin ang sarili at mag-agahan, tumungo si Stella sa lugar na dati nilang tagpuan. Kasalukuyang sinisimulan ng pari ang isang misa para sa taong ililibing ng makita ni Stella si Andy na naghihintay sa duluhang upuan ng simbahan. Matapos mag-antanda, mahina at may pag-aalingang pang binati ni Stella si Andy at tumabi ito sa kanya. 


Maaliwalas ang mukha ni Andy. Animo'y walang galit at masasakit na pangyayari ang maaaninag sa kanyang pagkatao. Kaiba sa Andy na kasigawan niya kahapon lamang nang sila ay maghiwalay. Nabalot silang dalawa ng katahimikan at kapwa nakikiramdam kung sino ang mauunang magsalita.


"Sorry..."
"Sorry din Andy..."


Naramdaman ni Stella na wari'y tanggap na ni Andy ang nangyari. Sa hindi maintindihang pakiramdam ay nagbigay ito sa kanya ng kapanatagan. Hinawakan ni Andy ang kanyang kamay habang sabay silang nakikinig at tumutugon sa misa ng pari. Hindi niya ito binitawan. Patapos na ang misa ng magsimula nang lumabas ang mga taong dumalo sa libing.


"Iingatan mo sana palagi ang iyong sarili. Malaya ka na. Aalis na ako. Hindi kita makakalimutan..."


Mga salitang iniwan sa kanya ni Andy bago ito lumakad na paalis ng simbahan. Marahil iyon na ang huling pagkakataon na makikita ni Stella ang lalaking minsan nya ring pinahalagahan at minahal ng sobra. Masakit man ang nangyari, batid niya na ito ang makabubuti para sa kanilang dalawa. Bukod pa dun, naging masaya siya at tanggap naman na ni Andy ang nangyari.

.

.
.
.
.
<*beep*>


"Stel, kanina pa kita tinatawagan pero hindi ka makontak, si Andy... si Andy... patay na si Andy! Nakitang nakabitin siya... nagbigti si Andy sa kwarto nya! Buong gabi daw hindi lumabas si Andy kaya 'nun umaga pinasok na nila Tito ang kwarto, nakita syang nakabigti... Patay na sya Stela!"


Isang text message ang natanggap ni Stella habang papalakad paalis sa simbahan. Mula ito sa bestfriend niyang si Mai. Buong pagtataka at matinding takot ang bumalot kay Stella sa nabasa. Takot at hindi makapaniwala na ang kausap niya lamang kanina ay patay na. Ngunit hindi lang iyon ang nagpagimbal kay Stella ng mga sandaling iyon. Unti-unti ay umaaninag sa kanya ang mga mukha ng mga taong nakipaglibing kasama ng dinarasalang ataul sa simbahan. Si Bodjie, ang pinsan ni Andy at mga malalapit nitong kaibigan. Ang mga magulang ni Andy pati ang barkadang binuo niya. Maging si Mai ay nandoon rin bagamat kaka-text niya lamang nito kanina sa telepono. At nakita nya rin ang sarili niya na kabilang sa mga nakipaglibing. Umiiyak. Iprinusisyon palabas ng simbahan ang ataul upang ihatid ito sa kanyang huling hantungan. Dumaan ito sa harapan ni Stella at tumigil. Bigla ay naglaho ang lahat ng tao sa paligid. Sinulyapan niya ang salamin ng ataul at nahintakutan ng makitang si Andy ang nasa loob. Dumalo siya sa sariling libing nito. Ang damit na suot niya ay ang pareho rin damit na suot nito ng magkausap sila. Isang iglap, nakita naman niya ang sarili nya na nasa loob ng ataul. Nakahiga at patay na.


*****


Makalat ang kwarto. Nahihilo at puyat na gumising si Stella ng umagang yun. Panaginip lang ang lahat. Nakataob at basag pa rin ang picture frame sa mesa. Isang "text message" ang kanyang na-receive sa teleponong nakapatong sa mesa malapit sa basag na picture frame.


<*beep*>


"Stel, kanina pa kita tinatawagan pero hindi ka makontak, si Andy... si Andy... patay na si Andy! Nakitang nakabitin sya... nagbigti si Andy sa kwarto nya... Buong gabi daw hindi lumabas si Andy kaya ;nun umaga pinasok na nila Tito ang kwarto, nakita syang nakabigti... Patay na sya Stella!"


Wala sa text message ang diwa ni Stella. Iniisip kung panaginip pa ba ito o hindi na. Kinurot ang sarili upang magising ngunit manhid na ito sa kakaiyak. Alam na niya ang pangyayaring ito na lubos niyang ipinagtataka. Naipon na ang mga missed call at text messages sa inbox, lahat ay galing kay Andy. Naalala nyang bigla na kaarawan nya ang araw na ito. Regalo ba ito ni Andy sa kanya? Ang kanyang kalayaan?

Sinorpresa na naman siya nito.

4 comments:

  1. ow may gawd! grabe namans. anu itey, halloween? sabi ko na nga ba eh, nung pagpasok pa lng ni Stella sa simbahan, may naramdaman na akong kakaiba. Mumu na lng si Andy T_T

    ang husay mo talaga paps sa pag-gawa ng mga maikling kwento.
    *thumbs up*

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. Shet ka, kinilabutan ako sa post mo, pero ang ganda, ang galing mo talaga pagdating sa paggawa ng maikling kwento

    - sorry sa una kong message na carried away ako lolz.

    ReplyDelete
  4. nakakilabot naman ang kuwento mo....
    anyway, you are good!

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com