Tuesday, June 17, 2014

Para Kay S

Isang liham pamamaalam. 


Hindi ko alam kung saan o kung sa paanong paraan ko sisimulan ito. Matagal na panahon na rin ang lumipas ngunit nananatili ka pa rin sa puso't alaala ko. Ang lahat ay parang kailan lang. Nararamdaman ko pa rin. At parang hindi na ako makatakas sa pakiramdam na iyon. Hindi gumagaling at hindi mapagaling ng lumilipas na panahon. Mga tanong na hindi nasasagot. Mga salitang hindi ko nasabi sa iyo. Ang hinihiling ko lang naman na sana ay pakinggan mo muna ako bago ang lahat sa atin ay kalimutan mo. Bago tuluyan ng hindi ako ang nasa puso mo. Bago ang mga alaala nating dalawa ay unti-unting maglaho sa isipan mo.

Akala ko ang araw na iyon ang pinakama-swerte sa atin, lalo sa akin dahil kapiling kita. Ngunit hindi naging ganun ang lahat. Masakit, dahil wala akong naging pagkakataon na tuparin sa iyo ang mga pangarap na sabay nating binuo. Umalis ka, at hinayaan kita. Iyon ang pinakamatapang at pinakamasakit na desisyon na ginawa ko. Pero ano bang magagawa ko? Wala ka mang sinabing malinaw na dahilan, isinakripisyo ko ang alam kong ikaliligaya ko at ibinigay iyon sa iyo. Inakalang ginagawa mo lamang ito para sa iyong pamilya, para sa responsibilidad at propesyon, hindi ko na inisip ang masaktan. Ang mahalaga ay magawa mo ang mga bagay na iyon para sa mga magulang mo, para sa sarili mo.

Para sa akin, ikaw ang mas mahalaga. Alam ko naman na mali nang ibigin ka ng sobra, at hindi magtira sa aking sarili. Ngunit hindi ako nagsisisi sa aking ginawa. Ang bawat minuto, oras at araw na kasama kita ay ang mga pinakamasayang sandali ng aking buhay. Ang bawat yakap, suyuan at mga salita na nanggagaling sa iyo, para sa akin ay ang mga alaala ng pinakamasayang sandali na kapiling ka. Sinubukan kong ipaglaban iyon pero nauwi lang sa sagutan ng mga salita. Akala ko kasi ay tama ang inisip ko. 

Nakakainis. Hindi sa iyo, kundi sa sarili ko sa pag-aakala ng mali. Naiinis ako dahil naghihintay pala ako sa wala. Hindi ko maipipilit na i-appreciate ang mga ginawa ko o kahit ang sarili ko sa iyo. At hindi rin naman ako nanunumbat o naniningil. 

Pagkatapos ng araw na iyon, hindi na kita nakita pa. Hindi ko man lang nasabi sa iyo kung gaano kita pinahalagahan, kung gaano kita minahal. Hindi ko man lang nasabi ng personal na palagi ka sanang mag-iingat, na tibayan mo sana palagi ang loob mo sa pagsubok ng buhay. Hindi man lang kita nayakap... kahit sa huling pagkakataon. Wala na ang sakit. Pero ang mga alaala mo, nananatili pa rin sa aking isipan. Kahit yun man lang, ang mga masasayang alaala na iyon, ang maitago ko sa aking buhay. 

Maraming salamat sa pagdating mo sa aking buhay, at patawarin mo ako kung may nasabi man o nagawa na hindi mo nagustuhan. Kung mabibigyan man ako ng pagkakataon na ulitin ang buhay ko, isa ka pa rin sa mga tao na gusto kong paulit ulit na makilala at maging parte ng buhay na bubuuin ko. Maraming salamat sa pagmamahal. Maraming salamat sa pagpapahalaga na ibinigay mo sa akin. Maraming salamat sa iyak at naging matatag na ako, sa aral na iyong ibinigay sa akin. Maraming salamat.



Ang iyong dating kasintahan.  


9 comments:

  1. *sniff
    totally heartbreaking naman ito :(
    true to life story?
    at sino si "S"?

    ReplyDelete
  2. I love the last paragraph. Ito ang mga salita ng isang tunay na nagmamahal.

    ReplyDelete
  3. hello anthony! :))
    madibdibang entry ito! lol kala ko tunay rin ehh just read sa comment section na kathang isip lang~
    anyway, thanks for dropping by~ :)

    ReplyDelete
  4. Eh first . Naiyak ako pramis second kala ko totoo ppero feel ko totoo kainis ka hay ayaw ko dumting sa buhay ko itong part naa ito hay

    ReplyDelete
  5. Nakakalungkot naman to.. Sounds like true love kaso hindi happy ending -_-

    Pero seriously kathang isip lang? Hehe galing!

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com