Monday, January 26, 2015

II. Mascot

I. Nakaraan
II. Mascot
III. Time Machine

"Hihilingin ko na lang na sana ay panaginip na lang ang lahat, ngunit hindi na nga ito panaginip. Katabi ko sya, at iyon din ang pinakamasakit na oras ng buhay ko."

Kung hindi lang ako nahihiya sa kaibigang nag-effort para puntahan pa ako sa bahay eh hindi ko talaga tatanggapin ang trabaho na ito. Sa dinami-dami ba naman ng raket na mairerekomenda, eh ito pang pagiging mascot ang napili. Nakakahiya kaya. Pero sa kabilang banda, malaki ang maitutulong ng perang susuwelduhin ko dito sa pagbabayad ng aking matrikula. Magtatapos na naman ang semestre at tiyak na ipatatawag na naman ako sa Cashier's nito para sa mga bayarin, hay.


Bahala na.



Magaling naman daw akong mang-aliw ng tao. At wala naman sigurong makakakilala sa akin dun. Mahalaga pa ba ang kahihiyan dito? Pera na 'to, sayang.

Teddy bear. Anlaki. Kulay brown. Sana ay hindi siya makati o mainit sa katawan. Matapos ipaliwanag ng manager ang mga gagawin ko, tumungo na ako sa lugar na in-assign sa akin. Dala ang bungkos ng lobo, masaya akong lumalakad at kumakaway sa mga taong namamasyal sa amusement park. Namimigay ng libreng lobo. May yumayakap, may nagpapalitrato. Kadalasan, mga maliliit na bata. Para akong artista. Mascot nga lang. Pero ibang klase ang pakiramdam, masaya, lalo't nakapagbibigay ka ng isang libo't isang tuwa at ngiti sa mga bata. Magaang sa pakiramdam.

Mukhang nag-eenjoy na ako...

Isang batang babae ang biglang humila ng kamay ko. Nakasuot ng pulang bestida at pula rin ang ipit sa buhok. Pulang lobo rin ang ibinigay ko sa kanya para terno. Pagka-abot ng lobo, hindi pa rin siya bumibitaw sa pagkakahawak sa akin. Narinig kong gusto nyang magpakuha ng litrato. Okey. Nakita kong tinatawag niya ang isang babae. Habang lumalapit, kumabog ang dibdib ko, natigilan.


Ang kanyang itsura... 


pananamit, tindig, 


maamong mukha, 


maputing kutis, 


Hindi ako pwedeng magkamali. Siya 'yun. Ang babaeng pinahalagahan at minahal ko ng mahabang panahon. Pinag-ukulan ko ng aking oras. Matagal na iniwasan at pilit na kinakalimutan. Siya 'yun. Siya ang aking nakaraan.

Hindi maalis ang tingin ko sa kanya. Matagal na panahon din ng huli ko siyang makita. Walang nagbago maliban lang sa ayos ng kanyang buhok na bumagay sa kanya. Anong gagawin ko? Makikilala nya kaya ako? Hindi. Hindi ako magpapakilala. Itinapat na niya sa amin ng katabi kong bata ang dala nilang digital camera. Pumwesto sa bahagyang malayo para kunan kami ng litrato. Anak niya kaya ang batang ito? May kurot sa puso habang iniisip ko ang sagot sa tanong na ito. Eh ano naman. Matagal na kaming wala. At, kung anak niya man sya, masaya ako dahil nagkaroon na rin siya ng pamilya. Masayang pamilya. Yun ang pangarap nya. Alam ko.

Bumalik ang lahat ng pangyayari. Ang mga oras na masasaya at kami ay magkasama.Wala na kami, pero bakit ganito pa rin ang nararamdaman ko sa kanya? 

Pagkatapos magpalitrato ng bata, sya naman ang tumabi sa akin. Hindi ko alam ang gagawin. Gusto kong umalis at iwasan siya ngunit huli na ang lahat. Ikinapit niya ang kanyang braso sa akin habang isinandal ang ulo sa aking balikat. Sa mga sandaling iyon, muli kong naramdaman ang kasiyahan sa tabi niya. Gusto ko siyang yakapin, mahigpit at sabihing

 "wala pa ring nagbago, mahal na mahal parin kita." 

Bigla na lang ay niyakap niya ako. Parang totoo ang mga yakap na 'yun. Yakap na sanang nagsasabi sa akin na tinatanggap na niya ako muli sa buhay niya. Pero hindi. Naka-mascot pa rin ako. Yayakapin niya rin kaya ako kung sakaling magpakilala ako sa kanya? Hihilingin ko na lang na sana ay panaginip na lang ang lahat, ngunit hindi na nga ito panaginip. Katabi ko siya, at iyon din ang pinakamasakit na oras ng buhay ko. Ang kaninang saya ay nawala. Binabalot ako ng malungkot na pakiramdam. Masakit dahil alam ko, hanggang dito lang ang lahat. Bakit ba ako umaasa pa.

Buong akala ko'y matapos makapagpalitrato ay matatapos na ang lahat. Isang lalake ang lumapit. Dali-dali namang tumakbo ang bata para kunin ang cotton candy na dala niya. Kahit sino namang makakita, iyon ang iisipin. 


Asawa nya kaya ang lalakeng iyon? 



Matangkad, may itsura at mukhang may pinag-aralan. Nakakabigat ng loob ang aking nakikita. Parang gunting na pumutol sa lubid ng nararamdaman ko pang pag-asa sa kanya.

Napansin kong matagal ko na pala silang pinagmamasdan, nakatayo na lang ako. Wala na sa akin ang ingay ng lugar at mga batang lumalapit at yumayakap. Huli na rin ng mapansin kong nabitawan at lumipad na ang mga hawak kong lobo. Lumipad, isinama na ng mga lobo ang mga nararamdaman ko pa para sa kanya. Hindi ko na nahabol. 

Balik sa trabaho, magpasaya at magpa-picture sa mga bata. Wala namang nakakapansin ng pag-iyak ko sa likod ng masayang mukha ni Teddy bear. Ang hirap din pala ng ganito. Tawang umiiyak. Masayang nalulungkot. Sana hindi ibawas sa susuwelduhin ko ang mga naiwala kong lobo. Pagkatapos nito, hindi na ako uulit sa ganitong trabaho. Ayoko ng maranasan ang ganito. 

Ayoko ng maging mascot.



1 comment:

  1. Marahil may ilang pagkakataon na mas mainam magtago sa ilalim ng isang mascot o maskara para walang ibang makakita ng mga luhang patuloy sa pag-agos, sa sakit at pighati na dulot ng mga bagay na mas mabuting ikubli na lang sa matamis na ngiti.

    ReplyDelete

Ang iyong opinyon ay mahalaga. Sabihin at ipahayag ang iyong saloobin. Maaari kang magpadala ng personal na mensahe, ang aking email ay talesfromtheblogzone@gmail.com